Sa loob ng 6 buwan-AFP... Sayyaf, Maute atbp tutuldukan
MANILA, Philippines - Anim na buwang palugit ang ibinigay kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang tuldukan na ang mga bandidong Abu Sayyaf Group, Maute terror group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pang teroristang grupo na banta sa pambansang seguridad.
Ito ang inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na siyang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tropa ng militar ngayong taon.
Sa ginanap na New Year’s call 2017 sa Tejeros Hall sa AFP Commissioned Officers Club sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Lorenzana bahagi rin ng direktiba ni Duterte ay palakasin ang kampanya upang matuldukan ang piracy, kidnappings at bombings sa rehiyon ng Mindanao.
Nang matanong naman si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na sa kasalukuyan ay nasa 51 batalyon o kabuuang 22,500 sundalo ang nakadeploy sa Western Mindanao upang tuldukan ang mga teroristang grupo.
Sa kasalukuyan, puspusan ang opensiba ng tropa ng militar laban sa Abu Sayyaf Group na may hawak pang 27 hostages kabilang ang isang German, isang Dutch, Isang Korean, anim na Vietnamese, limang Malaysians, apat na Indonesians at siyam na Pinoy sa Sulu at Basilan.
Target ring lipulin ang Maute terror group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Al Ansar-Khilafah Philippines.
- Latest