MANILA, Philippines – Namemeligrong masibak sa kanyang puwesto si Malabon City Police chief, P/Sr. Supt. John Chua kapag napatunayang ligaw na bala ang tumama sa biktimang si Emilyn Villanueva, 15 noong kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos batay sa ipinahayag na resulta ng pagsusuri ng DOH na kinontra naman ni Chua dahil may nagbarilan na dalawang grupo sa lugar.
“If ma-prove na walang koneksyon yung dalawang incidents they have to explain why the stray bullet incident transpired “, ani Carlos na sinabing lahat ng anggulo ay masusi nilang sinisiyasat sa kasong ito.
Nabatid na si Villanueva ay nanonood ng fireworks display sa labas ng kanilang tahanan nang tamaan ng bala sa kaniyang ulo.
Sa kasalukuyan ay comatose ito sa Intensive Care Unit ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) kung saan nasa bingit ito ng kamatayan at sumailalim sa operasyon pero hindi agad matanggal ang bala sa ulo nito na tumama sa kaniyang bungo dahilan masyado itong peligroso na maaring ikamatay ng dalagita.
Kinontra din ng mga magulang ng dalagita ang pahayag ng Malabon police dahil wala namang kaguluhan na naganap sa kanilang lugar nang tamaan sa ulo ang biktima.
Mas pinaniniwalaan ng pamilya ang anggulo na “indiscriminate firing” base na rin sa pahayag ng mga manggagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center na galing sa itaas ang trajectory o direksyon ng bala na tumama sa ulo ng biktima.