5 DPWH officials kulong ng 60 taon

Ang kaso ay may kinalaman sa reklamo ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan hinggil sa P7.8 million “ghost” repairs at pagbili ng spare parts ng DPWH service vehicles noong 2001.
Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Hinatulang makulong ng 60 taon bawat isa ang limang opis­yales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos mapatuna­yang guilty sa two counts ng   estafa at two counts ng graft bawat isa.

Ang kaso ay may kinalaman sa reklamo ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan hinggil sa P7.8 million “ghost” repairs at pagbili ng spare parts ng DPWH service vehicles noong  2001.

Ang mga nahatulan ay sina DPWH Director III Burt Favorito, Officer-in-Charge Assistant Director Florendo Arias, Chief Maximo Borje, Equipment Inspector Rolando Castillo, Chief Erdito Quarto na guilty sa  two counts of Estafa through Falsification of Public Documents at two counts ng graft.

Umaabot sa 20 taon ang kulong ng bawat isang DPWH official sa 2 counts ng graft  at 40 years na kulong  ang hatol bawat isang DPWH official sa 2 counts ng kanilang kasong estafa o umaabot sa 60 taong kulong  kada opisyal ng DPWH.

Isang count naman ng estafa  o 20 taon kulong  at isang count ng graft o 10 taong kulong  ang  hatol  ng korte laban kina  Officer-in-Charge Nelson Umali at Storekeeper Felipe San Jose gayundin sa  car repair shops Janette Bugayong  ng GK & J Auto Repairs,  Augusto Capuz ng  BIZTRADE at Vicente Santos ng  VIC-SAN Motorworks na kakutsaba sa ghost repair. Ang bawat isa sa mga ito ay may-tig 30 taong kulong sa kasong graft at estafa.

Bukod sa kulong, ang mga akusado ay pinagbabayad ng danyos  pabor sa gobyerno ng halagang P7,866,631.00  bilang  civil liability.

Ang mga tauhan naman ng   DPWH  ay hindi na pinapayagan ng batas na makapag trabaho sa alinmang posisyon sa gobyerno, kanselado ang kanilang civil service eligibility at inalis ang  retirement benefits.

Napatunayan ng Ombudsman prosecutors na ang mga akusado ay nagkutsabahan para ma-reimbursement ang halagang  P7,866,631.00 na sinasabing isinailalim sa repair at bumili  ng spare parts ng may 192 sasakyan ng DPWH kahit hindi totoo.

Show comments