MANILA, Philippines - Nasawi ang tatlong katao na sakay ng tricycle habang isa ang nasugatan matapos na salpukin sila ng isang pampasaherong bus kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng Maharlika Highwa, Red Palm Subidivision, Brgy. Pangpang, Sorsogon City, Sorsogon.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Patrick Lagonoy, 26, driver ng tricycle; Mark Levantino Tatel, 19; at Jerick Jasareno, 22; pawang nagtamo ng matitinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang dagliang ikinamatay ng mga ito.Habang nasa malubhang kalagayan si Christian Barbacena, 19.
Batay sa ulat, bago nangyari ang sakuna bandang ala-1:35 ng madaling araw ay kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang isang Kawasaki tricycle (5846MW) na minamaneho ni Lagonoy patungong Sorsogon City nang mabangga ito ng kasalubong na Diamond Star Bus (TYG-692) na minamaneho naman ni Antonio Leocadio, 49 na patungo naman sa Metro Manila.
Sa lakas nang pagkakabangga ay nayupi ang tricycle na sinasakyan ng mga biktima na siyang kumitil sa buhay ng tatlong lulan nito.