MANILA, Philippines - Pitong katao ang nasawi kabilang ang isang buntis at dalawang menor de edad habang isa ang nasa kritikal na kondisyon matapos na sila ay pasukin sa bahay at pagbabarilin ng grupo ng mga kalalakihan na pawang nakasakay sa dalawang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Namatay noon din ang mga biktimang sina Angelito Soriano, 16, Grade 8 student, ng Bagong Silang High School; Jonel Segovia, 15, kapwa ng Block 25, Phase 8A, Package 14, Brgy. 176; Sonny Espinosa, 20, residente ng Excess Lot ng naturang lugar; Cristina Santor, 45 at Analyn Dayamla 25, kapwa residente ng Block 17, Lot 36, Phase 8A, Package 14 sanhi ng mga tama sa ulo at ibat ibang bahagi ng katawan.
Habang binawian ng buhay sa Jose Reyes Rodriguez Memorial Hospital sina Ednel Santor, 22 at Kenneth Lim, 25, nagtamo rin ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. Habang kritikal na kondisyon at inoobserbahan sa nabanggit pa ring ospital si Edward Villanueva, 18, ng Phase 8A, Package 14.
Batay sa ulat, dakong alas-9:00 ng gabi ay nasa loob ng bahay ng pamilya Santor na matatagpuan sa Block 17, Lot 36, Phase 8A, Package 14 ang mga biktima nang dumating ang grupo ng mga kalalakihang pawang naka-bonnet at face mask at sakay ng dalawang motorsiklong walang plaka at puwersahang pumasok ang mga ito sa bahay at walang kaabug-abog na pinagbabaril ang mga biktima.
Napag-alaman na ang mga kabataang biktima ay pawang miyembro umano ng Scout Royal Brotherhood gang na pinamumunuan umano ng isang nagngangalang Toks Francisco, na sangkot sa ilang serye ng gang war sa lugar.
Narekober ng pulisya ang mga drug paraphernalia, tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at 16 basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Inaalam pa rin ng pulisya kung sino sa dalawang kababaihang biktima ang buntis.
Naaresto naman sa isang follow-up operations ang isa sa apat na suspek na nasa kustodiya na ng pulisya bagama’t hindi muna binanggit ang pagkakakilanlan nito dahil sa patuloy na pagtugis sa mga suspek.
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa si Senior Supt. Johnson Almazan, hepe ng Caloocan City Police, na sa loob aniya ng 24-oras ay maresolba na ang naturang insidente simula.
Binalaan ni Dela Rosa si Almazan, na sisibakin ito sa pwesto at ang commander ng presintong nakakasakop sa nabanggit na lugar kapag hindi nito naisakatuparan ang 24-oras na deadline na para resolbahan ang naturang krimen.