Boxing match binomba: 32 sugatan
MANILA, Philippines - Nasugatan ang tatlumpu’t dalawang katao makaraang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa isang boxing match sa Plaza Rizal, Brgy. Poblacion Central, Hilongos, Leyte kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Chief Supt. Elmer Beltejar, Chief ng Police Regional Office (PRO)8 bago nangyari ang pagsabog dakong alas-9:01 ng gabi sa idinaraos na piyesta sa plaza ng nasabing bayan ay masayang nanonood ang mga tao sa ginaganap na amateur boxing competition nang bigla na lamang yanigin ng dalawang makakasunod na pagsabog ang nasabing plaza.
Sa inisyal na imbestigasyon, cell phone ang detonator ng sumabog na bomba na ikinasugat ng mga nanonood ng boksing sa may plaza.
Ang mga nasugatan ay mabilis namang isinugod sa Hilongos District Hospital para malapatan ng pangunahing lunas.
Ayon pa sa report, 16 sa mga sugatan ay kasalukuyan pang naka-confine sa pagamutan habang ang 16 iba pa ay pinauwi na sa kanilang mga tahanan matapos na malapatan ng pangunahing lunas.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na isang 81 MM mortar ang ginamit sa pagpapasabog base sa narekober na mga fragments mula sa sumabog na bomba sa crime scene. Patuloy ang imbestigasyon at sinisilip ang lahat ng anggulo kabilang dito kung may kinalaman ang Maute terror group sa pagpapasabog.
- Latest