5 miyembro ng Maute na sangkot sa Davao bombing naaresto
MANILA, Philippines - Naaresto nang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang lima suspect kabilang ang isang dating pulis na sangkot sa malagim na pambobomba sa “night market” ng Davao City nang maharang sila sa checkpoint sa Sitio South Madalum, Brgy. Nabalawag, Barira, Maguindanao kamakalawa.
Ang mga nasakoteng suspek ay ang dating pulis na si PO2 Jessy Vincent Guinto Original alyas Abu Aisha nakatalaga dati sa Antipolo Police Station ng Police Regional Office (PRO) 4 A; Arumpac Ibrahim Pandita; Hamsa Bagul; Musa Rasamal at Mohammad Said Jamla.
Ang mga suspek ay natukoy na responsable sa madugong pambobomba sa night market sa Roxas Avenue, Davao City noong Setyembre 2 na ikinamatay ng 15 katao habang 72 pa ang nasugatan.
Batay sa ulat, bandang alas-4:00 ng hapon nang masakote sa checkpoint ang mga suspek ng pinagsanib na elemento ng Army’s 37th Infantry Battalion ng 6th Infantry Division (ID) at ng lokal na pulisya na naharang ang anim na kahinahinalang behikulo na walang mga plaka na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspect.
Nabigo namang masita ang iba pang lulan ng mga behikulong walang plaka matapos na abandonahin ang kanilang mga sasakyan at magpulasan ng takbo.
Nakuha sa behikulo ng mga naarestong suspect ang isang set ng mga Improvised Explosive Device (IED) at apat na fragmentation grenades.
Magugunita na noong Oktubre 4 ng taong ay una nang naaresto ng mga otoridad sa checkpoint sa Cotabato City ang mga miyembro ng Maute terror group na sina TJ Tagadaya Macabalang, Wendel Apostol Facturan at Musali Mustapha.
Sumunod ay noong Oktubre 28 nang maaresto ang apat pa sa Southern Philippine Development Authority (SPDA) Compound, Brgy. Tamontaka sa kahabaan ng Ilang-Ilang St., Brgy. Rosary Hts. 7, Cotabato City na kinilalang sina Mohammad Lalaog Chenikandiyil alyas Datu Boi; Jackson Mangulamas Usi alyas Abu Mansor/Jam; Zack Villanueva Lopeza alyas Haron, at Ansan Abdulla Mamasapano alyas Abu Hamsa; pawang kasapi rin ng Dawla Islamiya Fi Cotabato-Maute Group.
- Latest