MANILA, Philippines - Hindi susuportahan ng mga senador na kasapi sa Liberal Party (LP) ang panukalang batas na naglalayong ibalik ang death penalty sa bansa. Ito ang tiniyak kahapon ni Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon matapos pumasa sa House justice committee ang panukalang death penalty. “The LPs’ in the Senate will not vote in favor of the re-imposition of death penalty. We are against the re-imposition of death penalty,” ani Drilon.
TIniyak rin ni Drilon na bukod pa sa LP, may iba pang senador ang kokontra sa nasabing panukalang batas kahit pa isinusulong ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Meron pa but I’m not at the liberty to tell,” ani Drilon.
Ipinaliwanag ni Drilon na hindi pabor ang LP sa pagbabalik ng death penalty dahil hindi pa maayos ang justice system ng bansa na maaaring maging dahilan upang mabitay ang isang inosenteng tao.
“Our less than ideal justice system can result in someone being executed when he was in fact innocent. The judicial process is something that is argued against the re-imposition of death penalty,” ani Drilon. Idinagdag ng senador na sakaling magkamali sa pagpapataw ng bitay ay hindi na maaaring bawiin ang parusa kapag naipatupad na ito. Naniniwala rin umano ang mga senador na kasapi ng LP na hindi masasawata ang krimen kahit pa ibalik ang parusang kamatayan. Bukod kay Drilon, kasapi rin ng LP sa Senado sina Senators Bam Aquino, Leila de Lima, Kiko Pangilinan.