MANILA, Philippines - Hindi na umabot sa eskwelahan kung saan ihahatid ang dalawang anak nang barlin at mapatay ang isang 47-anyos na ginang, sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Namatay noon din ang biktimang si Nora Acielo, residente ng 12th Street, Port Area, Maynila dahil sa tinamong 3 tama ng bala sa ulo at tiyan.
Inilarawan ang gunman sa edad 25-30, nasa 5’5 ang taas at nakasuot ng kulay pulang jacket na may hood.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng umaga sa Railroad St, Port Area.
Naglalakad umano ang biktima kasama ang kanyang dalawang anak na kapwa menor de edad na ihahatid sa paaralan nang biglang sumulpot ang suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima.
Bumulagta ang biktima habang ang suspek ay kaswal na naglakad sa direksiyon ng 12th Street, Port Area, Maynila.
Hindi pa tukoy ang motibo sa pamamaril kung may kaugnayan sa iligal na droga. - Trainee Irish Viola Sta. Ana