MANILA, Philippines – Naghasik ng karahasan ang tinatayang nasa 50 hanggang 100 mga armadong miyembro ng Maute terrorist group matapos salakayin at okupahin ang lumang munisipyo at ilan pang mga abandonadong gusali sa bayan ng Butig, Lanao del Norte, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Major Felimon Tan, Spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, agad namang nagresponde ang tropa ng militar kung saan ay nakabakbakan ang Maute terrorist.
Sa inisyal na ulat, sinabi ni Tan na dalawang sundalo na ang napaulat na nasugatan sa insidente kabilang dito si Corporal Jerome Cuid habang hindi pa madetermina sa hanay ng mga kalaban ang nalagas.
Inihayag nito, nitong Huwebes ay nagsimulang sumalakay ang Maute terror group na armado ng Rocket Propelled Grenade (RPG) at iba pang matataas na kalibre ng mga armas sa nasabing bayan na labis na ipinagpanik ng mga residente dito.
Samantalang habang nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ng pamahalaan dakong alas-10 ng umaga nitong Sabado ay nakabarilan ang Maute terror group na ikinasugat ng dalawang sundalo. Ang ground troops ng militar ay binabackup ng SF260 fighter plane ng Philippine Air Force (PAF).
Taliwas naman sa napaulat na mismong ang munisipyo ng Butig ang ni-raid at nakubkob ng Maute terror group, nilinaw ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na wala itong katotohanan at mga abandonang gusali ang inokupa ng mga terorista.
“The building they occupied is already the old abandoned building that is not being used. It is also in an area where most residents have abandoned and only the relatives of the maute family have remained. Hindi sila umatake sa municipal building”, paliwanag ni Padilla habang patuloy pa ang opensiba at pagtugis sa mga miyembro at lider ng grupo.