MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na isang pulitiko mula sa Northern Luzon ang nagkakanlong at nagtatago sa dating driver at bodyguard ni Senator Leila de Lima na si Ronnie Dayan sa kabila ng mayroon itong subpoena at warrant of arrest na ipinalabas ng House Committee on Justice na huling nakita ng kanyang pamilya noong nakalipas na Hulyo.
“We were told that Ronnie Dayan is being protected by some high public officials in his home province of Pangasinan and other northern provinces up to Baguio.Diyan siya nagtatago, diyan siya nagpapa-lipat-lipat,” ayon kay Aguirre.
Ayon naman sa kapatid na babae ni Dayan na hindi binanggit ang pangalan na alam nila ang umano’y naging relasyon nito kay De Lima dahil inamin umano ito sa kanila.
Kaya’t nanawagan ito na lumabas na kung siya ay buhay pa at harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Nababahala rin ang pamilya ni Dayan na maging mitsa ng buhay nito ang P1 milyon pabuya na kinalap ng Volunteers Against Crime and Corruptions (VACC) kapalit ng impormasyon para sa kanyang pagkaka aresto.
Sinabi naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Francis Lavin na mayroon na silang lead sa kinaroroonan ni Dayan.
Subalit, hindi umano niya maaaring idetalye sa mga Kongresista ang kanilang operational procedure at hawak na lead dahil ayaw nilang masunog ang kanilang operasyon.
Sinabi pa ni Lavin na ayaw din nilang makompromiso ang kaligtasan ng kanilang impormante na tumutulong sa pagtunton kay Dayan.
Mayroon na rin umano silang teams na kumikilos sa iba’t ibang panig ng bansa para tuntunin ai Dayan, subalit sa tingin ni Lavin ay binabantayan din nito ang kanilang galaw.