SC pinayagan si Marcos na mailibing sa LNMB
MANILA, Philippines – Pinayagan na ng Supreme Court na mailibing sa Libingan Ng Mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa botong 9-5-1 at ibinasura ang pitong pinagsamang petisyon na pinangunahan ni Bayan Muna Representative Satur Ocampo dahil walang merito ang mga ito.
Si Marcos ay namatay noong September 28,1989 sa Honolulu, Hawaii, nang ito ay ipatapon matapos mapatalsik sa 1986 People Power Revolution sa edad na 72. Namatay si Marcos dahil sa sakit na kidney, puso at mga komplikasyon sa baga.
Ang mga bumoto na pabor na ilibing sa LNMB at bigyan ng heroes burial si Marcos ay sina Associate Justices Arturo Brion, Presbitero Velasco Jr, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Mariano del Castillo, Jose Perez, Teresita de Castro, Jose Mendoza, at Estela Perlas-Bernabe.
Ang mga tumutol naman ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno; Senior Associate Justice Antonio Carpio; Associate Justices Marvic Leonen, Francis Jardaleza, at Alfredo Benjamin Caguioa. Hindi naman nagbigay ng rason si Justice Bienvenido Reyes sa hindi nito pagsali sa botohan.
Si Reyes ang nagpanumpa kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo dahil sa fraternity brother niya ito sa San Beda College of Law.
Magugunita na inatasan na ni Pangulong Duterte ang Department of National Defense (DND) na paghandaan ang paglibing kay Marcos sa LNMB dahil sa paniniwala nitong kwalipikado ang dating pangulo na mailibing dito.
Ipinangako ni Duterte noong presidential campaign na kapag siya ang nanalong pangulo ay papayagan niyang mailibing sa LNMB si Marcos.
Nagpasalamat naman si dating senador Bongbong Marcos sa naging desisyon ng SC at maging kay Pangulong Duterte.
“We also would like to extend our sincerest gratitude to President Rodrigo Duterte as his unwavering commitment to this issue sustained us these past several months. Our family will forever be thankful for his kind gesture,” wika ni Marcos Jr.
Kaugnay nito, sinabi ni Marcos na sa ngayon ay wala pang petsa kung kailan isasagawa ang paglilibing sa labi ng kanyang ama sa LNMB.
- Latest