Pasay anti-smoking team leader, itinumba

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang anti-smoking officer nang pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo kahapon ng umaga sa Pasay City.

Ang biktima na nagtamo ng anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Ramil Co, nasa hustong gulang, assistant team leader ng Anti-Smoke Bel­ching Unit (ASBU) ng Pasay City Hall, nakatira sa #1770 F. B. Harrison St.

Batay sa ulat, bago naganap ang krimen dakong alas-11:30 ng umaga sa kahabaan ng Roxas Boulevard, kanto ng EDSA, Brgy. 76 ng lungsod ay nagsasagawa ng operasyon ng anti-smoke belching ang team ng biktima nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo na walang plaka at sakay ang  dalawang suspek.

Bumaba ang angkas at malapitang pinagbabaril ng suspek ang biktima na duguang bumulagta at nang matiyak na patay na ay dali-daling bumalik sa motorsiklo at mabilis na tumakas.

Lumalabas sa imbestigasyon na  bago nangyari ang krimen ay may nakatalo ang biktima na isang driver na hinuhuli nito sa kanilang anti-smoke belching operation.

Show comments