Matobato takot sa Davao litisin ang kaso
MANILA, Philippines - Dahil umano sa banta ng seguridad matapos isiwalat sa pagdinig ng Senado ang nalalaman sa operasyon ng Davao Death Squad na iniuugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya’t hiniling ng kampo ni Edgar Matobato sa Korte Suprema na ilipat sa Maynila ang paglilitis ng kanyang kasong paglabag sa Republic Act 105-91 o illegal possession of firearms na nakabinbin sa hukuman sa Davao City.
Ang petition to transfer venue ay inihain sa kahapon sa pamamagitan ng abogado ni Matobato na si Atty. Jude Sabio sa Office of the Court Administrator sa Korte Suprema.
Naniniwala ang kampo ni Matobato na may motibo si Pangulong Duterte para paslangin si Matobato kaya para umano maprotektahan ang kanyang buhay, pati na ang katotohanan, mainam na mapagbigyan ng Korte Suprema ang kanilang hirit na paglilipat ng lugar ng paglilitis ng kanyang kaso.
Ginawang batayan sa petisyon ang pagpapahintulot ng Korte Suprema na mailipat sa Taguig City ang paglilitis sa kaso na may kinalaman sa binansagang Zamboanga seige na kinasasangkutan ni MNLF founding chairman Nur Misuari bunsod na rin umano ng problema sa seguridad sa Zamboanga City.
- Latest