MANILA, Philippines – Labingsiyam katao (19) katao na ang iniwang death toll sa matinding hagupit ni supertyphoon Lawin, dalawa ang nasugatan at dalawa ang nawawala sa Northern Luzon, ayon sa pinagsamang ulat ng mga opisyal kahapon.
Sa report ng Cordillera Police at Regional Office of Civil Defense (OCD) mayorya sa mga nasawi ay mula sa kanilang rehiyon na umaabot sa 13 katao, isa ang napaulat na nawawala at dalawa naman ang nasugatan.
Sa lalawigan ng Cagayan, sinabi naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, nakatanggap sila ng ulat na apat ang nasawi sa Cagayan at isa pa ang nawawala.
Nadagdag sa talaan ng mga nasawi ay ang 85 anyos na ginang na si Rosita Rombao na naipit sa kaniyang bahay na nadaganan ng malaking punong kahoy at ang isa pa ay ang 11 anyos na si Arlene Tagavillia; pawang ng Baggao, Cagayan.
Gayunman, sa 13 iniulat na nasawi mula sa Cordillera ay walo pa lamang ayon sa opisyal ang kanilang kinukumpirma dahilan sa naisyuhan na ang mga ito ng Death Certificate ng Department of Health (DOH) na sanhi ng bagyo ang kamatayan.
Ang iba pa sa mga biktima ay isinasailalim pa sa ‘validation’ upang alamin kung sanhi ng hagupit ni Lawin ang ikinamatay at patuloy naman ang paghahanap sa mga nawawala pang biktima.
Samantalang ang dalawa pang nasawi ay mula naman sa lalawigan ng Isabela na tulad ng Cagayan ay nasa ilalim din ng signal number 5 sa matinding hagupit ni Lawin partikular na sa Northern Luzon habang binayo rin ang Central Luzon dahilan sa malawak na diyametro ng supertyphoon.
Naitala naman sa 28,710 pamilya naman o kabuuang 143,631 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Regions I, II, III, CALABARZON , Region V at Cordillera Administrative Region.