MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical And Astronomical Service Administration (PAGASA) na malaki ang posibilidad na umabot sa signal no 4 ang bagyong Lawin na kasalukuyang nananalasa sa bansa.
Anya, sa oras na mag-landfall ang naturang bagyo sa Northern Luzon sa darating na Huwebes na dadaan sa Apayao, Ilocos Norte at West Philippine sea.
Kapag naging Signal no. 4 ang bagyo, ay magkakaroon dito ng malakas na paghangin ang mararanasan na magdudulot ng pagtumba ng mga puno at pagkawala ng suplay ng kuryente at malalaking pag-alon sa baybayin ng Cagayan.
Ang Signal no. 4 ay posibleng isailalim sa Cagayan, Calayan Islands, Apayao at Ilocos Norte ng Miyerkules ng gabi.
Alas-10:00 ng umaga kahapon, ang bagyong Lawin ay namataan ng PAGASA sa layong 950 kilometro ng silangan ng Daet, Camarines Norte taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 185 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 230 kilometro bawat oras.
Si Lawin ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Binalaan ang mga mangingisda na huwag munang maglalayag sa karagatan gayundin ang mga pampasaherong barko dahil sa malalaking alon sa mga karagatan ng Northern Luzon at Central Luzon gayundin sa silangang bahagi ng karagatan ng Samar.