Bagyong Karen lumakas pa: Storm signal itinaas sa 23 lugar
MANILA, Philippines - Higit pang lumakas ang bagyong Karen habang papalapit sa Bicol Region. Bunga nito, nakataas ang babala ng bagyo bilang 1 sa lalawigan ng Catanduanes, Camarines Sur, at Camarines Norte.
Habang signal no 1 naman sa Albay, Sorsogon, Quezon kasama na ang Polillo Island, Aurora, Isabela, Quirino, Laguna, Rizal, Marinduque, Ticao at Burias Island gayundin sa Masbate, Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, Cavite, Batangas, Northern Samar kasama ang Metro Manila.
Ngayong weekend, ayon sa PagAsa, asahan na ang masungit panahon na may malakas na ulan sa nabanggit na lugar.
Alas-5 ng hapon kahapon, si ‘Karen’ ay namataan ng PagAsa sa layong 205 kilometro ng silangan ng Virac, Catanduanes na may lakas ng hangin na umaabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 140 kilometro bawat oras.
Si Karen ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 9 na kilometro bawat oras.
Kahapon, buong araw na dumanas ng malakas na pag-ulan ang Bicol, l gayundin sa Eastern Visayas at Samar at higit pang lalakas ang pag-ulan sa Bicol oras na mag-landfall si ‘Karen’ sa Linggo sa Daet Camarines Norte, titigil sa Aurora at saka tatawid sa Central Luzon.
Makakaranas din ng malakas na pag-ulan ngayong Sabado ang silangang bahagi ng Luzon kasama ang Bicol at Eastern Visayas at ang buong Luzon ay makakaranas ng pag-ulan kasama ang Metro Manila dahil sa pagdaan ng sentro ng bagyo sa Central Luzon.
Linggo ng gabi ay inaasahang si Karen ay nasa may West Philippine Sea palabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
- Latest