MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong paglabag sa Section 5 kaugnay sa Section 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerours Drugs Act of 2001 ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Department of Justice si Senator Leila de Lima at anim na iba patungkol sa kinasasangkutang illegal drugs trade sa New Bilibib Prisons (NBP).
Ayon kay VACC founding chairman Dante Jimenez na bukod kay De Lima ay kasama rin sa kaso sina dating Justice undersecretary Francisco Baraan III, dating Bureau of Corrections director Franklin Jesus Bucayu, ang dating security aides ni De Lima na sina Joenel Sanchez at Jad de Vera; dating driver na si Ronnie Dayan at ang high profile inmate na si Jaybee Sebastian.
Sa 65-pahinang complaint affidavit laban sa mga respondent ay batay sa mga testimonya ng mga testigo sa isinagawang congressional inquiry hinggil sa NBP drug trade, na nagtuturo kay De Lima na tumanggap ng milyun-milyong pisong drug money na gagamitin niya umano sa kampanya bilang senador.
Inakusahan ng VACC si De Lima at mga kapwa respondent na pagsasabwatan para magbenta ng bawal na droga sa loob at labas ng pambansang piitan.
Kitang-kita aniya ang motibo ni De Lima sa illegal drug trade sa loob ng NBP para sa kanyang kandidatura, lalo pa at ambisyon ng dating kalihim na maging senador.
Magugunita na unang nagpalabas ng lookout bulletin ang Department of Justice laban kina De Lima, Baraan, Bucayu, Dayan at Sanchez.
Kinuwestiyon naman ni De Lima ang VACC kung bakit sa DOJ isinampa ang kaso laban sa kanya gayung ito ay balwarte ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na tinawag nitong “master of fakery”.
“Unless they (VACC) have other reasons for filing it with the DOJ instead of the Ombudsman. Maybe because that is the domain of Aguirre, the master of fakery. Justice under Aguirre is fake,” wika ni De Lima.