MANILA, Philippines – Bumagsak sa kamay ng mga otoridad ang isang drug lord na nakabase sa lalawigan ng Mindanao nang pinagsanib na mga operatiba ng pulisya at National Bureau of Investigation sa pinagtataguan nito sa Brgy. Tinago, Dauis, Bohol kahapon ng madaling araw.
Ang nasakoteng suspek ay kinilalang si Ramil Mulleon, 42, ng San Fernando, Bukidnon.
Bago naaresto ang suspek pasado alas-12:10 ng madaling araw sa isang lodging inn sa Brgy. Tinago ng bayang ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na sa bayan ng Dauis nagtatago ang suspek na talamak na nagtutulak ng droga sa lalawigan ng Bohol.
Hindi na nakapalag ang suspek matapos na makorner ng arresting team ng pulisya at ng mga elemento ng NBI Regional Office sa nasabing lungsod.
Nakumpiska mula sa suspek ang sampung piraso ng maliliit na plastic na naglalaman ng shabu.
Inamin naman ng suspek na dati siyang drug lord pero huminto na umano sa operasyon matapos na maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 1 ng taong ito.