Aktibo sa pagsugpo ng illegal drugs... Police major todas sa ambush

Namatay noon din sa mga tama ng bala  sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Chief Inspector Jesus Son. File photo

MANILA, Philippines – Isang opisyal ng pulisya na akti­bo sa anti-illegal drug operation ang pi­nagbabaril at napatay sa naganap na ambush kamakalawa sa bayan ng Sta. Fe, Leyte.

Namatay noon din sa mga tama ng bala  sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Chief Inspector Jesus Son.

Batay sa ulat, bago nangyari ang ambush dakong alas-9:15 ng umaga sa kahabaan ng highway ng Brgy. Pilit, Sta. Fe ay kasaluku­yang minamaneho ng biktima ang kaniyang kotse ga­ling sa bayan ng Pastrana at pauwi na sa kanilang bahay nang tambangan ng mga armadong kala­lakihan na nakaposisyon sa tabi ng highway.

Ang mga gunman ay sakay din ng isa ring kot­se at isang motorsiklo na pinaikutan ang behikulo ng biktima saka pinagbabaril.

Matapos paputukan ang behikulo ng biktima nang sunud-sunod ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Nabatid na ang biktima na ngayon ay nakadestino sa PRO 8 ay dating  intelligence ope­rative na nakatalaga sa Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force na ngayon at tinawag na Anti-Illegal Drugs Group.

Show comments