’Male sex drugs’ kontaminado - FDA

MANILA, Philippines - Kontaminado o adulterated ang ilang batch ng Robust at Robust Extreme Dietary Supplements for Men.

Ito ang idineklara ng Food and Drugs Admi­nistration (FDA) matapos  matuklasang may sangkap ito ng gamot na ginagamit na panlunas sa male sexual function problems tulad ng impotence o erectile dysfunction (ED).

 Batay sa inilabas na Advisory No. 2016-092 ng FDA na may petsang Agosto 22,2016, inimpormahan nito ang publiko hinggil sa isinagawa nilang sampling ng mga specific batches ng Robust at Robust Extreme Dietary Supplements for Men matapos na makatanggap ng ulat mula sa Therapeutic Goods Administration (TGA), Department of Health (DOH) ng Australian Government hinggil sa presensya ng ‘Tadalafil’ sa mga naturang dietary supplements.

Nalaman na ang Tadalafil ay prescription drugs na ginagamit na panlunas sa male sexual function problems tulad ng impotence o yaong kawalan ng kakayahan ng lalaki na makipagtalik.

Kabilang sa posibleng side effects nang pag-inom ng mga naturang dietary supplements ay hirap sa paghinga, pamamaga ng mukha, labi, dila at lalamunan, pagkahilo, pagsusuka, pananakit at pamamanhid ng kalamnan, pagkakaroon ng tingling sa dibdib, braso, leeg at panga, paglabo o biglang pagkawala ng paningin at pag-ugong ng tenga.

Kabilang sa mga batch ng Robust na sinuri ng FDA ay ang RB-TTCG, RB-TTCN, RB-TTCY, RB-TTCG, RB-TTCT habang ang mga batch naman ng Robust Extreme na nasuri ng FDA ay ang RE-TTO, RE30-TTC, at RE30-TTA.

Show comments