MANILA, Philippines – Pumalo na sa kabuuang 1,405 ang mga kaso ng mga pagpatay laban sa mga pinaghihinalaang drug personality na biktima ng summary executions na nasa ilalim ng Death Under Inquiry (DUI) o masusing iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni PNP Spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos, kabilang sa mga kaso DIU ay mga nilagyan ng ‘cardboard justice’ o mga pagpatay na iniuugnay sa ‘vigilante killings’ na konektado sa illegal drug trade.
Ayon kay Carlos, mula Hulyo 1 hanggang Setyembre 4 ng taong ito, umaabot naman sa 176 suspek ang nasakote habang 105 pa ang pinawalan ng pulisya dahilan sa kakulangan ng ebidensya.
Kaugnay nito, inihayag ng PNP Spokesman na sa lehitimong anti-illegal drugs operation ng PNP ay nasa 1,033 na ang mga napapatay na drug pushers matapos na manlaban sa mga operatiba ng pulisya. Ang nasabing bilang ay naitala simula Hulyo 1 hanggang alas-6 ng umaga nitong Setyembre 6 o simula ng manungkulan sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng PNP Spokesman nakapagsagawa naman ng 15,905 anti-drug operation sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng 15,193 drug personalities.
Naitala naman sa kabuuang 709,866 mga kabahayan ang nabisita ng PNP anti-illegal drug operatives sa ilalim ng Oplan Tokhang o pagkatok sa mga kabahayan upang pasukuin ang mga drug pushers at users. Samantalang 639,319 namang drug personality ang sumuko sa PNP sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.