CPP-NPA nagdeklara ng 7 araw na tigil putukan

MANILA, Philippines – Bilang patunay umano na sinsero sa pagbubukas muli ng peace talks sa Oslo, Norway  bukas (Agosto 22), nagdeklara na ng 7 araw na unilateral ceasefire ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Sa isang press statement na ipinalabas nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng liderato ng Partido Komu­nista ng Pilipinas na ang tigil putukan ay magsisimulang obserbahan dakong alas-12:01 ng madaling araw sa Agosto 21 (Linggo) at tatagal hanggang alas-11:59 ng gabi sa Agosto 27 ng taong ito. Itinakda naman ang negosasyong pakikipagkapayapaan sa Agosto 22 at magtatapos sa ika-26 ng buwang ito sa Oslo, Norway.

Ang pagdedeklara ng unilateral ceasefire ng CPP-NPA ay matapos namang pansamantalang palayain sa PNP-Custodial Center sa Camp Crame ang mag- asawang mataas na lider ng CPP-NPA na sina Benito at Wilma Tiamzon na napiit dito simula noong Marso 2014 matapos silang masakote sa isang checkpoint sa Alonguinsan, Cebu.

Kasabay nito, iniutos naman nitong Sabado ng NDF Southern Mindanao ang pagpapalaya sa mga bihag na pulis na sina Chief Inspector Arnold Ongachen, hepe ng Generoso Police sa Davao Oriental at PO1 Michael Grande.

“The AFP support and abide by all peace initiatives where it has the established record of fidelity to past peace initiatives. We just hope that the other party is as sincere and as committed to attaining a just and lasting peace,” reaksyon naman ng AFP na inihayag ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo na nanawagan sa mamamayan na magdasal at suportahan ang hangarin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na makamtan ang pangmatagalang kapayapaan

Samantala, inihayag naman ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na ibinalik na muli ni Pangulong Duterte ang unilateral ceasefire sa hanay ng CPP-NPA-NDF bago ito tumulak patungong Norway.

“I am pleased to announce that President Rodrigo Duterte has restored the effects of the unilateral ceasefire with the CPP-NPA-NDF effective 12 midnight tonight 21 August 2016,” pahayag ni Dureza kung saan iiral ang tigil putukan hangga’t kailangan.

 

Show comments