MANILA, Philippines – Napaiyak si Presidential Communication Office (PCO) Secretary Martin Andanar nang mabasa ang isinulat na speech ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kauna-unahang nitong State of the Nation Address (SONA) sa joint session ng pagbubukas ng 17th Congress ngayong hapon.
Ayon kay Andanar, hindi niya napigilang mapaiyak matapos niyang mabasa ang draft ng speech ng Pangulo na aniya’y ‘kukurot’ sa damdamin ng bawat mamamayang Pilipino.
“The address of the President, personally written by the President, will be a very powerful speech that will awaken the patriot in every Filipino,” ani Andanar sa mga mamamahayag sa isang pulong balitaan sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City kahapon.
Anya, ilang oras din ang iginugol ng Presidential Broadcast Staff Radio Television Malacañang sa pag-review sa speech ng Pangulo na may 10 beses na na-rebisa.
“When I read the speech, ayaw ko pong mag-exaggerate pero the first time I read the speech, it made me cry. Ganoon po kaganda, ganoon po ka makabagbag-damdamin iyong speech ng Pangulo natin,” pahayag ni Andanar.
Sinabi pa ni Andanar na tatagal lamang ng 38 minuto ang maging talumpati ng Pangulo na sisimulan dakong alas-4:00 ng hapon.
Hindi naman nagbigay ng ideya si Andanar kung ano ang nilalaman ng nasabing ulat sa bayan ng Pangulo na posibleng sumentro sa problema sa droga, kriminalidad, korapsyon at kahirapan ng bansa kasama na ang usapin sa West Philippine Sea at kapakanan ng mga overseas Filipino workers.