OLONGAPO CITY, Philippines - Mahigit 2,065 katao na gumagamit ng ipinagbabawal na droga ang kusang-loob na sumuko sa pulisya sa magkahiwalay na PNP Anti-Illegal Drugs Campaign Plan: Project “Double Barrel” Ceremony na magkasabay na ginanap sa lungsod na ito at bayan ng Subic kahapon ng umaga.
Sa Olongapo City, pinangunahan nina city Mayor Rolen Paulino at OCPO director Senior Superintendent Jerry Tait Sumbad at iba pang local na opisyal ang panunumpa ng 350 katao ng kanilang “Pledge of Commitment” sa Rizal Triangle dito.
Nangako si Paulino na bibigyan ng pagkakataon ang mga nagsibalik-loob na makakuha ng livelihood training tulad ng paggawa ng kabaong at eco-bag na mabenta ngayon sa lungsod.
“Gumagastos po ang lungsod ng P15,000 bawat kabaong na ibinibigay sa mga mahihirap na pamilya, kung matuturuan kayong gumawa ng kabaong, sa inyo na kami bibili at makakatipid pa ang lungsod,” wika ni Paulino.
Ipinaliwanag naman ni Sumbad na akmang tawagin ang mga nagsidalo bilang “reformists” sa halip na “surrendered” dahil hindi naman sila nagagawa ng malaking krimen o tinutugis ng batas.
Samantala, sa Subic, Zambales, naitala ng pulisya ang 1,480 at 235 naman sa bayan ng Castillejos reformists na dumalo sa seremonya na sinaksihan nina Zambales PNP chief PSSupt. Christopher Mateo, Cong. (Zambales, 2 Dist.) Jeffrey Khonghun, Subic mayor Jay Khonghun, Subic PNP station chief CInsp. Leonardo Madrid at mga local na opisyal.
“Hanggat ako ang provincial director ng probinsyang ito sisiguraduhin ko na ang kampanya ng ating Presidente Duterte laban sa illegal na droga ay patuloy upang manatili ang kapayapaan ng bawat isa at makapalakad ng walang takot sa kalsada,” ani Mateo.
Isinagawa ang seremonya sa Café Plaza Covered Court sa Barangay Asinan, Subic.