MANILA, Philippines – Apat pang pinaghihinalaang notoryus na drug pushers ang napatay makaraang kumasa sa mga operatiba ng pulisya sa magkakahiwalay na shootout sa Metro Manila, ayon sa bagong talagang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kahapon.
Sa panayam sa PNP reporters, sinabi ni NCRPO Director P/Chief Supt. Oscar Albayalde, dalawa sa mga nasawing drug pushers ay nang-agaw ng armas sa kanilang mga arresting officers na nagbunsod sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Bandang ala-1:30 ng madaling araw kahapon, ayon kay Albayalde habang ibinibiyahe ang magkapatid na suspect na sina Rolando at Julius Dizon para isailalim sa medical examination nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Arandia Street, Brgy. Tunasan, Muntinlupa City.
Sinabi ni Albayalde na inagaw ng mga suspek ang baril ni SPO1 Emmie Baldovino na nagsilbing escorts ng mga ito na nauwi sa barilan na ikinasawi ng mga suspek, isa rito ay dead-on-the-spot habang dead on arrival naman sa Ospital ng Muntinlupa ang isa pa.
Nakuha mula sa mga suspek ang 150 gramo ng shabu at cal. 38 revolver nang masakote ang mga ito. Ang magkapatid ay may ugnayan sa Dennis Esmeralde, No. 1 drug pusher ng Muntinlupa City.
Samantala sa Quiapo District, sinabi naman ng NCRPO Chief na napatay ang dalawa pang drug pushers ng mga elemento ng Manila Police District sa buy bust operation sa Quezon Boulevard bandang alas-3:10 ng madaling araw nitong Martes.
Kinilala ni Albayalde ang isa sa mga nasawing suspect sa alyas na Rashid na bumunot ng baril at tinangkang barilin ang poseur buyer. Ang dalawa ay pawang dead- on-the-spot at narekober mula sa lugar ang isang cal. 38 revolver at isang cal. 45 pistol .