MANILA, Philippines – Sa kanyang inagurasyon bilang pinakamataas na opisyal ng lalawigan, ipinahayag ni Zambales Governor Amor Deloso na kanyang lilinisin ang Kapitolyo sa lahat ng uri ng katiwalian upang mapabilis ang pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan.
Sinabi ni Deloso na siya ay nakatanggap ng mga ulat na may ilang clerk sa loob ng Kapitolyo ang naging milyonaryo, gayundin ang ulat na pati mga tagapag-alaga ng baboy ng isang empleyado ay sinusuwelduhan ng Kapitolyo.
Sa tulong umano nina vice governor Angel Magsaysay at Cong. (Zambales, 1st Dist.) Cheryl Deloso-Montalla ay hahabulin nila ang mga taong sangkot sa katiwalian at pagwaldas sa pondo ng lalawigan, upang higit na mapalakas ang pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan.