Paglipol sa drug pushers patuloy

MANILA, Philippines – Habang nalalapit ang panunungkulan ni President-elect Rodrigo Duterte na galit na galit sa mga drug lords at pusher ay patuloy na nagaganap ang pag-aresto at pagkamatay ng mga drug pusher na umano ay lumalaban sa mga pulis na umaaresto sa kanila.

Ayon sa ulat, apat na drug pushers ang muling napatay ng mga otoridad sa naganap na drug raid sa lalawigan ng Laguna at Rizal.

Sa San Pablo City, Laguna ay napatay ng mga pulis ang isa umanong drug pusher na alyas Hacket sa isang drug o­peration kahapon ng alas-5:00 ng madaling-araw sa Brgy.San Juan.

Nabatid na nagsagawa ng buy bust operation ang mga pulis sa lugar at nang magpapalitan ng items ay nakatunog ang suspek na ang ka-deal niya ay pulis.

Bumunot ito ng baril at binaril ang pulis na masu­werteng hindi tinamaan kaya’t gumanti ng putok ang mga nakatagong pulis at napatay ito.

Narekober ang isang kalibre.38 baril at anim na piraso ng plastic sachet ng shabu at apat na piraso ng P100 bill.

Sa Cabuyao City, Laguna nasawi rin sa buy bust ope­ration ang drug pusher na nakilalang si alyas Zenkie ng Southville Subdivision matapos makipagbarilan umano sa mga pulis dakong alas-6:45 ng gabi sa may Villa Solana Subdivision, Brgy. Bigaa na kapareho ng pangyayari sa una.

Nakatunog din ang suspek na ang ka-deal niya ay pulis at sa halip na magpahuli ay nanlaban ito kaya’t napatay ng mga pulis.

Sa Antipolo City, Laguna ay napatay din ng mga pulis ang dalawang drug pusher nang kumasa sa buy bust operation sa Antipolo City kamakalawa
ng gabi.

Kinilala ang dalawang napatay na pulis na sina alyas Kalkal at Barok, kapwa nasa hustong gulang at hindi parin batid ang kanilang mga
tirahan.

Ayon kay P/Sr Supt. Lucillo Laguna, hepe ng Antipolo police, na madulas ang dalawang suspek na paiba-iba ng lugar para magbenta sa kani-kanilang mga parukyano hanggang sa nabentahan nito ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-9:00 ng gabi sa Barangay San Roque na natunugan din na pulis ang kanilang ka-transaksiyon kaya’t tumakas sakay ng motorsiklo.

Hinabol ito ng mga pulis hanggang sa maabutan sa Ge­neral Luna St., Antipolo at doon na nagkaroon ng barilan na ikinasawi ng dalawang suspek.

Narekober ang isang kalibre 45 baril at
isang kalibre 38 at tinatayang 11 gramo ng  hinihinalang ipinagbabawal na droga.

Show comments