MANILA, Philippines – Isa sa itinuturing na nangungunang drug lord sa Cebu at bodyguard nito ang napatay sa puspusang crackdown operation ng pulisya laban sa droga sa naganap na shootout sa Las Piñas City nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez, kinilala ang mga napaslang na suspect na sina Jeffrey Otom Diaz, 40 anyos alyas Jaguar, isang notoryus na drug lord sa Central Visayas partikular na sa Cebu at bodyguard nitong si Paul Vincent Gloria, 26 anyos, residente ng Uranium St., sa lungsod ng Las Piñas.
Si Diaz ay residente ng Bry. Duljo Fatima, Cebu City at kabilang sa mga top drug lord sa Central Visayas na nasa watchlist ng pulisya. Una nang nangakong susuko na sa PNP matapos na humingi ng tawad kay incoming President Rodrigo “Digong” Duterte si Diaz na sinabing huminto na siya sa pagtutulak ng droga pero sa monitoring ng pulisya ay aktibo pa ito sa illegal na aktibidades.
Bandang alas-10:40 ng gabi nang pangunahan ng Cebu Police Regional Intelligence Division (RID) 7 sa ilalim ng superbisyon ni Supt. Rex Derilo, Regional Special Operations Group (RSOG) 7 sa pamumuno naman ni Supt. George Ylanan katuwang ang Las Piñas City Police ang operasyon sa Pilar Village, Brgy. Almanza ng lungsod.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang Central Visayas Police na nasa Las Piñas ang drug lord na si Alvaro Alvaro kaya agad silang nagpadala ng mga operatiba sa Metro Manila at ikinasa ang operasyon upang isilbi ang warrant of arrest.
Gayunman, ang kasamahan nitong drug lord na si Jaguar, isa rin sa mga top drug lord sa Cebu ang nakasagupa ng mga operatiba sa kahabaan ng Gem Road sa panulukan ng Narra Road sa Pilar Village, Brgy. Almanza ng lungsod.
Samantalang nakatakas naman sa operasyon si Alvaro na siyang target sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Jerry Dicdican ng 7th Judicial Region ng Danao City Regional Trial Court Branch 25.
Nabatid na ang mga suspect ay lulan ng kulay beige o kayumangging Toyota Fortuner (YKZ-202) nang harangin ng mga pulis pero sa halip na huminto ay pinaputukan ang mga operatiba na nauwi sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa kainitan ng shootout ay kapwa napatay ang drug lord na si Diaz at ang bodyguard nito. Nakuha mula sa tabi ng kanilang mga bangkay ang isang Bushmaster M16 rifle na may scope at dalawang magazine at isang Colt. 45 pistol na may magazine at lamang mga bala.
Nasamsam rin mula sa behikulong sinasakyan ng mga ito ang isang malaking plastic sachet na naglalaman ng P1.2M shabu, P10,000 cash at sari-saring mga identification cards.