Binata pinatay sa kanyang birthday

MANILA, Philippines – Nauwi sa kamatayan ang masayang pagdiriwang ng isang lalaki ng kanyang ika-33 kaarawan matapos na siya ay saksakin habang nag-iinuman ng kasamahang caretaker sa isang poultry farm dahil sa selos kahapon ng madaling araw sa loob ng kubo sa Brgy. Conel, General Santos City, South Cotabato.

Ang biktima ay kinilalang si Ronelo Dela Cruz, binata, caretaker ng poultry farm. Habang pinaghahanap ang suspek na si Jeffrey Verano na napag-alamang nagtatago sa Davao City.

Batay sa ulat, bago natagpuang patay ang biktima dakong alas-4:00 ng madaling araw ay kainuman nito ang suspek at iba pang kasama sa loob ng kubo bilang pagdiriwang ng kanyang kaarawan at matapos ang inuman ay natira na lamang sa kubo ang biktima at suspek.

Isang saksi ang nagpahayag sa pulisya na nakita niya ang suspek at nobyang si Rose na nagmamadaling umalis sa kubo kaya’t nang kanyang puntahan ay nakita niya ang biktima na duguang nakahandusay.

Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng selos ang dahilan nang pagpatay ng suspek sa biktima dahil masyadong dumidikit ang huli sa nobya ng una na si Rose habang sila ay nag-iinuman.

Show comments