MANILA, Philippines - Prayoridad ni incoming Justice Secretary Vitaliano Aguirre na imbestigahan ang napaulat na posibleng mga “midnight resolution” ng ahensya ngayong papalabas na ang administrasyong Aquino at lahat ng kanyang mga “appointees”.
Ang nasabing gagawing pag-iimbestiga ni Aguirre ay makaraang isiwalat ng grupong Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) na ang ulat ng posibleng pagbabago sa mga desisyon at resolusyon sa tanggapan ni Secretary Emmanuel Caparas upang pumabor sa ilang panig.
Nais rin umano ni Aguirre na makapulong ang grupo upang magkaroon ng palitan ng impormasyon at dokumento para sa pag-usad ng imbestigasyon.
Kung mapapatunayan umano na may ganitong nangyayari sa ahensya, hindi umano mangingimi si Aguirre na magsampa ng kaso sa mga taong sangkot dahil sa hindi niya kukunsintihin ang naturang mga gawain.
Ayon kay FATE spokesperson Jo Perez, minamadali na umano ngayon ng DOJ ang pagbabago at pagsusulat sa mga desisyon habang inatasan ni Caparas ang kanyang mga prosecutors na mag-force leave at tumigil sa pagpapalabas ng mga desisyon nitong Hunyo 3.
Kinuwestiyon rin ng grupo kung may katotohanan ang ulat sa kanila na naibebenta ang mga binagong resolusyon mula P5 milyon, P10 milyon hanggang P20 milyon.
Itinanggi naman ni Caparas ang akusasyon laban sa kanya at sa DOJ at sinabi nito na walang nagaganap na pakikialam, “midnight reversals” sa mga resolusyon habang hindi rin umano niya pinuwersang mag-leave ang kanyang mga prosecutor.