MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 21-anyos na binata nang barilin ng isang pulis kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ang nasawi ay kinilalang si Emiliano Balmes, house painter, ng A-1 Dupax St., Brgy. Bagbag, Novaliches sa lungsod.
Tumakas naman ang suspek na nakilalang si PO2 Julius Albao,nakatalaga sa Talipapa Police Station 3.
Sa imbestigasyon, dakong alas-12:05 ng madaling araw ay nakatanggap ng ulat ang QCPD station 4 tungkol sa insidente ng pamamaril sa harap ng isang pawnshop na matatagpuan sa may kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Bagbag, Novaliches.
Nang rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni SPO4 Rodel Deogracias ay naabutan nila ang nakahandusay na biktima at isang lalaki na nakatayo at may hawak ng baril na si PO2 Julius Albao at inaresto.
Ilang sandali, isang SPO2 Ganias na nagpakilalang taga QCPD Station 3 at nagpakita pa ng ID kasama ang isa pang lalaki ang dumating at nakiusap kay SPO2 Deogracias na kausapin si PO2 Albao.
Matapos ang maikling usapan sa pagitan ni SPO2 Ganias at PO2 Albao ay tumakas na ang huli.