MANILA, Philippines – Naaresto ng mga otoridad ang tatlong pinaghihinalaang big time drug pushers at nasamsam sa mga ito ang apat na kilong shabu sa isinagawang magkakahiwalay na buy bust operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Parañaque City kamakalawa at kahapon ng umaga.
Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina Amatonding Noroden Alap, 35; Mustapha Batonggara, 47; at Binnor Macabato, 19; pawang residente ng lungsod ng Maynila.
Bago naaresto ang mga suspek dakong alas-10:40 ng gabi ng mga operatiba ng CIDG sa kahabaan ng Bradco Avenue, Brgy. Tambo sa harapan ng Asean Tower Station Building sa Baclaran, Parañaque City ay nagpositibo ang impormasyon ng CIDG operatives hinggil sa pagkakasangkot ng mga suspek sa talamak na pagtutulak ng droga at ikinasa ang buy bust operation.
Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos dakpin ng mga otoridad sa aktong iniaabot ang droga na binibili ng ka-deal ng mga itong poseur buyer ng CIDG sa halagang P500,000 kada isang kilo at nasamsam pa ang dalawang malalaking plastic na naglalaman ng 3.2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P 15 milyon.
Ayon sa opisyal ang isang kilo ng metamphetamine hydrochloride ay nagkakalaga naman ng P5 milyon.
Nang magsagawa ng follow-up operations kahapon ng umaga ay nakasamsam pa ang otoridad ng karagdagang 800 pang gramo ng shabu at sa kabuuan ay umaabot sa 4 kilo ng shabu ang nakumpiska.