MANILA, Philippines – Dinagsa ng daan-daang libong katao ang idinaos na Du31 thanksgiving party para kay incoming President Rodrigo Duterte sa Crocodile Park sa Davao City, ayon sa mga opisyal kahapon.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 11 Director P/Chief Supt. Manuel Gaerlan bandang alas- 6 ng gabi ay nasa 120,000 na ang dumagsa sa nasabing thanksgiving party para kay Duterte .
Inaasahan namang hanggang madaling araw ay aabot sa 300,000 o higit pa ang daragsa sa nasabing makasaysayang pagtitipon sa lungsod ng Davao.
Ang thanksgiving party na nag-umpisa bandang ala-1 ng hapon ay idaraos na tatagal hanggang ala-1 ng hapon ngayong araw ( Hunyo 5).
Una nang naghigpit ng seguridad ang security forces kaugnay ng impormasyon na nasa Davao City umano ang 24 terorista na pawang mga bombers at kidnappers.
Ang larawan ng mga terorista ay ipinakalat sa mga mall at iba pang matataong lugar.
Samantalang bilang bahagi ng seguridad, ay ipinagbawal ang pagdadala ng mga backpacks, bawal rin ang mga patalim at manigarilyo sa venue ng okasyon.
Kabilang naman sa mga nangasiwa sa seguridad ay ang Presidential Security Group, PNP at maging ang tropa ng mga sundalo.
Ang pulisya ng Davao ay isinailalim sa full alert status upang tiyakin na magiging mapayapa ang pagdiriwang ng nasabing Du31 thanksgiving party.