MANILA, Philippines – Hindi nagpapasiklab bagkus ay tumaas lamang ang moral ng PNP sa mga pahayag ni elect President Rodrigo Duterte laban sa paglipol sa mga kriminal at mga illegal drug peddlers na siyang nagbunsod sa serye ng matatagumpay na operasyon laban sa ipinagbabawal na gamot kung saan marami ng mga drug traffickers ang napaslang sa anti-drug campaign.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief/Supt. Wilben Mayor mahalaga ang ‘full backing’ sa operasyon ng PNP lalo pa nga at nagmula ito sa incoming Commander in Chief upang maging inspirado ang mga pulis sa pagtratrabaho at itaya ang kanilang buhay sa pagganap sa tungkulin.
Ikinatwiran pa ni Mayor na ang mga police operatives ay madalas dumanas ng harassments at kinakasuhan pa sa kabila ng lehitimo ang isinasagawang misyon.
Magugunita na nitong mga nagdaang linggo ay sunod-sunod ang matagumpay na anti–crime operations ng PNP na ang target ay ang mga pinaghihinalaang big time drug traffickers kabilang ang walong drug pusher na napaslang sa raid sa Bulacan at General Santos City kamakailan.
Idinagdag pa nito, na ang puspusang pagtratrabaho ng PNP kontra kriminalidad lalo na ang droga ay nasa polisiya ni incoming President Rodrigo Duterte.