MANILA, Philippines – Nakatakda nang iproklama ang mga nagwaging kandidato sa pagka-pangulo na sina President elect Rodrigo “Digong” Duterte at Vice President elect Leni Robredo sa Kongreso bukas, araw ng Lunes (Mayo 30).
Ito’y matapos na pormal na ideklara ng National Board of Canvassers na sina Duterte at Leni ang nagwaging Pangulo at ikalawang Pangulo ng bansa sa katatapos na eleksyon makaraan ang isinagawang bilangan.
Si Leni ay sigurado ng dadalo sa proklamasyon habang ayon naman sa kampo ni Duterte ay posible itong dumalo sa makasaysayang okasyon para mapagtibay ang pagwawaging pangulo.
Kaugnay nito, ipinaabot naman ng palasyo ng Malacañang kay Robredo ang kanilang taos pusong pagbati matapos itong magwagi sa halalan.
Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, ang tagumpay ni Robredo at maituturing na tagumpay ng mga naniniwala sa prinsipyo ng Daang Matuwid.
“Ang tagumpay ni Leni Robredo ay tagumpay ng sambayanang nananalig at naninindigan sa mga prinsipyo ng Daang Matuwid,” ani Coloma.
Natapos ng National Board of Canvassers (NBOC) ang kanilang trabaho noong Biyernes kung saan lumabas na nanalo si Robredo sa vice presidential race sa mismong ika-58 na kaarawan sana ng kanyang namayapang asawa na si dating Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na namatay noong Agosto 18, 2012.