Samal hostages nagpapasaklolo kay Du30
MANILA, Philippines – Umapela ang tatlong nalalabing Samal hostages na hawak ng mga bandidong Abu Sayyaf kay incoming President Rodrigo Duterte na gawin lahat nito ng makakaya para tulungan silang makalaya sa kamay ng mga bandido sa Sulu.
Sa panibagong video na ipinoste sa website ay makikita ang mga bihag na sina Maritess Flor, Pinay; ang Canadian na si Robert Hall at ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, na nagmamakaawa para sa kanilang mga buhay.
Ito’y kaugnay ng itinakdang panibagong ultimatum ng mga bandido na hanggang Hunyo 13 dakong alas-3 ng hapon para ibigay sa kanila ang P 600 M ransom at kung hindi ay pupugutan ang mga ito ng ulo.
Magugunita na una nang pinugutan ng ulo ang kasama nilang si Canadian John Ridsdel noong Abril 25 matapos na mabigong magbayad ng hinihinging P300-milyon ransom para dito.
Sa nasabing video footage na kumakalat ngayon sa website ay tinukoy ni Sekkingstad ang isang alyas Jun na nais umano ng mga Abu Sayyaf na makipagnegosasyon sa kanilang grupo. Si Jun ay nasa Canadian Embassy umano.
Sa tala ang tatlong hostages ay binihag ng mga bandido sa Ocean View Resort sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte noong Setyembre 21, 2015.
Maliban sa tatlo ay bihag pa rin ng mga bandido ang iba pang mga hostages na kinabibilangan ng apat na Malaysians at iba pa.
- Latest