MANILA, Philippines – Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Anti -Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) kasunod ng pagkakasamsam na umaabot sa P145-M halaga ng shabu habang naaresto naman ang isang pinaghihinalaang big time drug trafficker sa buy bust operation sa Brgy. Carsadang Bago 2, Imus, Cavite nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni PNP-AIDG Deputy Director Sr. Supt. Leonardo Suan ang nasakoteng suspek na si Ardel Ajido, 33 anyos, residente ng Panapaan 5 Subdivision, Brgy. Panapaan, Bacoor ng lalawigan.
Ayon kay Suan, dakong alas-4:30 ng hapon nang magsagawa ng buy bust operation sa Brgy. Carsadang Bago 2, Imus ang kanilang mga operatiba sa ilalim ng superbisyon ni Sr. Supt. Andy Suam.
Agad na pumoste ang mga elemento ng PNP-AIDG sa lugar matapos na makipag-deal sa kanilang poseur buyer ang suspek na nasa drug watch list ng PNP.
Nasa aktong iniaabot ng suspek ang shabu sa poseur buyer nang dakpin at posasan ito ng mga PNP-AIDG personnels.
Ayon sa opisyal nang halughugin ang Ford Ranger pickup (WLI 738) na gamit ng suspek ay nakuha mula rito ang kabuuang 29 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P145-M.
Sinabi ni Suan ang suspek at mga ebidensyang nasamsam mula rito ay dinala sa himpilan ng PNP-AIDG sa Camp Crame. Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Anti Illegal Drugs Act)