P-Noy: Pulbusin na ang Sayyaf!
MANILA, Philippines – Durugin at pulbusin na ang Abu Sayyaf”!
Ito ang galit na iniutos kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III sa joint PNP-AFP Task Group sa mga teroristang Abu Sayyaf na nasa likod ng pamumugot ng ulo sa bihag nitong Canadian national na si John Ridsel na dinukot kasama ang kababayan na si Robert Hall, Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, at ang Pinay na nobya nitong si Maritess Flor noong Setyembre 21, 2015 nang salakayin ang Ocean View Resort na pag-aari ng Norwegian sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte.
Ayon kay PCOO Sec. Sonny Coloma, Jr., inatasan ng Pangulo ang security forces na ipatupad ang full force of the law o kamay na bakal laban sa mga Abu Sayyaf para mapanagot sa insidente.
Nakikiramay naman ang Malacañang sa pamahalaang Canada at sa pamilya ni Ridsel sa sinapit ng Canadian national mula sa kamay ng ASG.
Sinabi ni Coloma na walang puknat ang gagawing pagtugis ng joint PNP at AFP task group para matuldukan na ang inihahasik na karahasan ng Abu Sayyaf at patuloy na pagiging banta nito sa kapayapaan at seguridad ng bansa.
Mariing kinondena din ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang ginawang pamumugot ng ulo sa kanilang kababayan matapos na hindi makabayad ng ransom.
Una nang nagbanta ang ASG na pupugutan nila ng ulo ang kanilang bihag na Canadian national na isinakatuparan nito nang matagpuan ang ulo nito sa kalsada sa Jolo, Sulu ng mga sundalo 5 oras matapos lumipas ang ibinigay na ransom deadline ng ASG.
Ang hinihinging ransom ng ASG kapalit ng kalayaan ni Ridsel ay P300 milyon ($6.4 M) gayundin sa 3 bihag pa din ng mga ito.
- Latest