MANILA, Philippines – Naungusan na ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sa pinakaunang pwesto sa pagka-Vice President si Senador Francis Escudero sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Sa survey na kinomisyon ng ABS-CBN na ginawa noong Marso 8 hanggang 13, 2016 sa 4,000 respondents sa buong bansa, ipinakitang si Marcos na ang nangunguna sa pagka-bise presidente na nakakuha ng 25 porsiyento. Habang si Escudero ay bumaba ng isang puntos sa 24 percent.
Sinundan naman sila ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo na nakakuha ng 20 percent; Senador Alan Peter Cayetano-13 percent; Senador Antonio Trillanes IV-6 percent at Senator Gringo Honasan -5 percent.
Sa kabuuan, bumaba sila Escudero at Robredo ng 1 puntos, samantalang si Marcos ay tumaas ng 3 puntos kumpara sa Pulse Asia survey noong March 1-6, 2016 na kinomisyon din ng ABS-CBN.
Ang bagong survey din ay mayroong mas malaking sample size kumpara sa naunang survey na 2,600 lamang.
Sa pinakahuling survey, tinanong ang mga respondents “If the coming 2016 election were held today, whom would you vote for as Vice President of the Philippines?” at pagkatapos ay binigyan sila ng sample ballot na may listahan ng kandidato as of February 15, 2016. Ang lahat ng respondents ay rehistradong botante na may biometrics.
Napanatili ni Marcos ang kanyang pangunguna sa National Capital Region sa 35 percent at sa balance of Luzon sa 29 percent. Nakuha din ni Marcos ang Class ABC sa 31 percent at Class D sa 27 percent.