Pinas dinagsa ng US warship
MANILA, Philippines – Matapos mapagtibay na ng Korte Suprema ang legalidad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at kaugnay ng nalalapit na pagdaraos ng PH-US Balikatan joint military exercises sa susunod na buwan ay patuloy ang pagdagsa ng mga barkong pandigma ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Sa isang press statement ng US Embassy, dumaong na rin sa Manila Bay kamakalawa ang USS Russel (DDG 59), ang Arleigh Burke-Class guided missile destroyer ng US Navy.
Ayon sa US Embassy ang pagdaong sa Manila Bay ng isa na naman nilang guided missile destroyer ay bahagi ng routine visit nito, maintenance at pamamahinga ng mga crew ng nasabing barkong pandigma.
“The USS Russell is making its way back to its homeport in San Diego, California after a highly successful deployment to the U.S. Fifth Fleet’s Area of Responsibility”, anang US Embassy sa isang press statement.
Samantalang nilalayon din ng pagdaong ng USS Russel sa Pilipinas ay upang mapatatag pa ang alyansa sa pagitan ng US Navy ng counterpart ng mga ito sa Philippine Navy at maging sa mamamayan ng Pilipinas.
Magugunita na sa loob lamang ng buwang kasalukuyan bukod sa USS Russel ay dalawang barkong pandigma na kinabibilangan ng USS Blue Ridge at USS Antietam ang una nang dumaong sa Manila Bay at isang US Submarine o ang USS Charlotte sa Subic Bay, Zambales.
- Latest