MANILA, Philippines - Binira ng United Nationalist Alliance (UNA) ang isa na namang panibagong demolisyon nainilarga laban kay Bise Presidente Jejomar “Jojo” Binay sa pagpapalabas ng iligal at hindi kumpletong “audit report” ng Commission on Audit hinggil sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building 2.
Ito ang inihayag ni UNA president Toby Tiangco at maaring ihabla ang COA sa pagsuway mismo sa kanilang mga patakaran matapos nagsilabasan ang kanilang hindi kumpletong report sa mga pahayagan.
“The commission could be held liable for violating COA Resolution No. 2015-033 dated September 29, 2015, prohibiting the conduct of special audit against candidates of the 2016 elections,” pagdiin ni Tiangco.
Anya, mismo ang COA ang nagsabi na hindi sila maaring gumawa ng special audit sa mga kandidato ng darating na halalan, subalit sila ay nakatanggap ng impormasyon na ang mabilisang paglabas ng report ay kagagawan ng isang PR consultant ng Ombudsman.
Ayon pa kay Tiangco, ang Makati Building 2 ay dumaan at pumasa ng labing-isang regular na audit ngunit ang kinalabasan ng special audit ay baliktad.
“Basta si VP Binay, fast-forward ang mga audit kahit pa sila mismo ang nagbawal nito. Pero kapag kaalyado ng administrasyon, uupuan ang kaso hanggang sa makalimutan,” sambit pa ni Tiangco.
Sinabi naman ng abogado ni Mayor Junjun Binay na si Claro Certeza, para sa kanya ang COA at Ombudsman ay hindi patas pagdating sa kanyang kliyente at hinusgahan kaagad na guilty ito.
Sinabi pa ni Tiangco na sumulat siya sa COA nitong Pebrero 21 na dapat respetuhin ng naturang ahensiya ang sarili nilang patakaran sa lahat ng mga kandidato lalo na yung tumatakbo sa oposisyon.
Ang pagsulat ni Tiangco sa COA matapos makatanggap siya ng maraming reklamo sa hanay nila na patuloy hina-harass ang mga kandidato ng UNA gamit ang mga report ng COA na hindi man lang kinuha ang panig ng mga inereklamo.
Hinggil naman sa pagpuntirya lamang ng mga ahensiya si Binay, sinabi ni Tiangco na ang report hinggil sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at sa Disbursement Acceleration Program (DAP), ay usad-pagong ang COA. Ang Ombudsman ay halatang ayaw gumalaw sa mga kasong PDAF at DAP.