4 utas sa killer truck

MANILA, Philippines – Patay ang apat-katao makaraang salpukin ng truck ang kanilang motorsiklo sa kahabaan ng highway sa Barangay Calaigang, bayan ng San Rafael, Iloilo kahapon ng mada­ling araw.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Eduard Acutan, 25; Gilbert Cerbasa, 19; Gino Dedoy, 20; at si Artchan Barbecho, 19, mga nakatira sa Barangay Milan sa bayan ng Lemery.

Ang mga biktima ay idineklarang patay sa District Hospital sa bayan ng Baratoc Viejo.

Samantala, nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng truck na si Eduardo Maniya, 54, ng Barangay Maybato Norte sa bayan ng San Jose, Antique.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Ruben Perra, hepe ng San Rafel PNP na isinumite sa Camp Crame, magkakaangkas sa motorsiklo ang mga biktimang papauwi nang makasalubong nito ang truck na may kargang mga tubo na patungong Passi City.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang apat kung saan sumaklolo naman ang ilang residente su­balit namatay pagsapit sa nasabing ospital.

Nakatakda namang kasuhan ang driver ng truck na ngayon ay nakakulong sa himpilan ng pulisya.

 

Show comments