MANILA, Philippines - Makalipas ang mahigit isang linggo ay naaresto ng mga otoridad ang isang 27-anyos na ‘call boy’ na suspek sa pagpatay sa isang bading kamakailan nang makita ang litrato nito sa Facebook account ng biktima na ipinakalat sa social media at natunton na nakatambay sa isang mall sa Cubao, Quezon City.
Ang suspek ay kinilalang si Michael Mendoza, residente ng 135 A. Paul St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City at kinasuhan ng robbery with homicide.
Sa imbestigasyon, dakong alas-6:00 ng gabi nitong Huwebes nang arestuhin ang suspek habang nakatambay sa Gateway Mall,Cubao, Quezon City matapos na itawag sa pulisya na nandoon ang suspek na nag-aabang ng panibagong bibiktimahin.
Sa presinto ay positibo ang tumatayong testigo na si Antonio Adremesin, security guard ng Sagana Tower 1, na ang suspek ay siyang huling kasama ng biktimang si George Zapata, 49, salon supervisor sa condo unit nito.
Lumutang din para tumestigo ang dalawang hindi pinangalanang bading na huling kasama ng biktima at suspek noong Peb. 15, bago natagpuang patay at tadtad ng saksak ito noong Pebrero 17, dakong alas 4:40 ng hapon.
Nabatid na sa pamamagitan ng FB account ni Zapata ay napagdugtong-dugtong ang pagkakakilanlan ng suspek na larawan ay ipinakita kay Adremesin.
Aminado ang suspek na kasama niya ang biktima at dalawa pang bading nang sila ay kumain sa Quezon City at tumuloy sa condo ng biktima. Umalis na umano ang dalawang bading at matapos silang magtalik ng biktima na binayaran lamang umano siya ng P200 at hindi inamin na siya ang pumatay dito.