MANILA, Philippines – Naaresto ng mga otoridad ang pitong katao sa isinagawang buy bust operation at nasamsam ang 3 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P15 milyon kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Karen Mae Tan, may-ari ng Epitome Flower Shop; Bernadette Ortega, secretary sa establisyemento; Maricon Aina Castro; Arman Ocba; Christopher Viray; Arman Baer at Judith Maglalang.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (PNP-CIDG-NCR) Spokesperson P/Chief Inspector Elizabeth Jasmin na ang buy-bust operation ay isinagawa maga-alas-6:00 ng gabi sa Epitome Flowershop na matatagpuan sa Pacific Centre Room, 809 B, Quintin Paredes Street, ng lungsod.
Nakumpiska sa loob ng flower shop ang isang kulay asul at kulay puting paper bag, isang kulay berdeng ecobag at isang kulay asul na backpack na ang bawat isa ay naglalaman ng tig-isang kilo o kabuuang 3 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P15 M.
Kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga nasakoteng suspek upang alamin kung gaano katindi ang pagkakasangkot ng mga ito sa pamamayagpag ng operasyon ng illegal na droga sa bansa.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang nasabing flower shop ay front lamang ng mga nasakoteng suspek sa illegal nilang aktibidades.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 laban sa mga nasakoteng suspek.