MANILA, Philippines – Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang pinaghihinalaang holdaper sa paanan ng 250 metrong malalim na bangin sa hangganan ng Springhills at Loakan Apugan, Baguio City kamakalawa ng hapon.
Batay sa ulat, bandang ala-1:30 ng hapon nang madiskubre ng mangangahoy na si Tito Tino ang naagnas na bangkay ng hindi pa nakilalang suspek sa Purok 3, Happy Hallow, Springhills sa Loakan Apugan ng lungsod.
Ang bangkay ay nakasuot ng kulay asul na pantalon, magkahalong pula at itim na scarf o balabal, tinatayang nasa pagitan ng 25-30 taong gulang at may taas na 5’3”.
Nakuha naman ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ang isang Cherry mobile phone, dalawang piraso ng tig P500.00, dalawang piraso ng tig P 100.00, kulay kayumangging pitaka at isang suklay.
Positibo namang kinilala ni Allen Hill Widwidan, isa sa mga naging biktima ng suspek na ito ang nangholdap sa kaniya sa pamamagitan ng suot nitong damit at hitsura dakong alas-10:30 ng gabi sa nasabing lugar noong Enero 31, 2016.
Pinaniniwalaan namang nadulas sa pagmamadaling tumakas ang suspek kaya nahulog sa bangin.