MANILA, Philippines – Natimbog ng mga otoridad ang tatlong holdaper kabilang ang isang pulis na miyembro ng PNP-Aviation Security Group (PNP-ASG) nang pasukin at holdapin ang buy and sell store ng ginto sa Baguio City kamakalawa.
Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina PO2 Reynaldo Daming Jr., nakatalaga sa PNP-ASG sa Pasay City; Michael Catugna at Efren Sidatantes Jr.
Batay sa ulat, bandang alas-10:15 ng umaga nang pasukin ng mga suspek ang Gina Trading Gold Buy and Sell sa kahabaan ng Upper Magsaysay Avenue, Baguio City.
Nabatid na nagpanggap na kustomer ang mga suspek at pagkapasok ay agad na tinutukan ng baril ang may-ari ng establisyemento na si Gina Estole, 33;at empleyado nitong si Jacquelyn Rosado, 53.
Tumagal lamang ng ilang minuto ang panghoholdap at tinangay ng mga suspek ang P200,000 halaga ng mga ginto at P70,000 cash at isang cellphone.
Nakahingi ng saklolo ang mga biktima sa mga tao sa labas ng establisyemento at sa mga nagpapatrulyang pulis ay naitimbre sa kanilang mga kasamahan na nagbabantay sa Comelec checkpoint ang sasakyan ng Nissan van (AJA-597) na ginamit na getaway vehicle ng mga suspek.
Nakorner ang mga suspek sa Gate 2 ng Camp John Hay at nabawi sa mga ito ang kanilang tinangay na mga ginto, pera, cellphone gayundin ang baril ni PO2 Daming.
Nabatid na si PO2 Daming ang ikaapat na pulis sa kabuuang bilang na 653 katao na nahuling lumabag sa election gun ban mula ng ipatupad ito noong Enero 10 kaugnay ng gaganaping halalan sa Mayo.