Political ads sa TV at radio nilimitahan ng Comelec
MANILA, Philippines – Ibabalik ng Commission on Elections (Comelec) ang dating pamantayan sa airtime limit ng mga kandidato para sa national at local elections 2016.
Sa Comelec Resolution 100-49 na nagsisilbing implementing rules and regulations ng Fair Elections Act, gagawing minuto kada broadcast network o originating station ang pagbabasehan airtime limit sa patalastas ng mga kandidato sa Eleksyon 2016 at hindi na ang kabuuang ads sa lahat ng broadcast network.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga kandidato sa national position ay may hanggang 120 minuto na air time advertisement sa kada istasyon ng telebisyon, at 180 minuto naman sa kada istasyon ng radyo.
Para sa mga kandidato sa lokal na posisyon, ang bawat kandidato ay may 60 minuto na air time advertisement limit sa bawat istasyon ng telebisyon, at 90 minuto naman sa kada istasyon ng radyo.
Kinakailangan ang patalastas ay samahan ng audible words na “political advertisement paid for,” at dapat sundan ng totoong pangalan ng kandidato o partido na makikinabang sa election propaganda.
Nabatid na noong taong 2001, inaplay ng Comelec ang pamantayan na ang 120 minuto ang kabuuang limit sa bawat kandidato sa political advertisements, subalit taong 2004 naman ay ipinatupad ang limit na 120 sa bawat TV network.
Noong 2013 ay muling ipinatupad ang 120 minuto na limit sa kabuuan o lahat ng istasyon na naging dahilan upang kuwestiyunin ito sa Korte Suprema.
- Latest