MANILA, Philippines – Binalewala lang ng kampo ni President Jejomar Binay ang partial report na inilabas ng Senate blue ribbon subcommittee kaugnay sa pag-iimbestiga nito sa alegasyon ng umano’y kinakasangkutan anomalya ng Bise Presidente at sa anak nitong si dismissed Makati Mayor Junjun Binay matapos ang mahigit isang taong pagdinig.
Ayon kay Joey Salgado, tagapagsalita ni Binay at pinuno ng Office of the Vice President Media Affairs, na nais lamang sirain si Binay na itinaon pa sa kasagsagan ng survey at nalalapit na halalan ang partial report ng Senate Blue Ribbon sub-committee matapos ang isinagawang 25 pagdinig sa isyu ng umano’y overpriced na pagpapatayo ng Makati City Hall Bldg II.
“Panis na ang report na ito. Pero isinalang ni Senator Pimentel sa plenaryo dahil survey period ngayon,” ani Salgado.
Idinagdag pa ni Salgado na bahagi lamang sa mga pag-atake sa Bise Presidente sa pangunguna mismo ng Liberal party candidate ang nasabing isyu.
Magugunita na inirekomenda ng subcommittee ang paghahain ng kaso matapos ang sinasabing “proper proceedings” at sa tamang mga government agency.”
Iginiit pa ni Salgado na wala umanong kakayahan o otoridad ang sub-committee na idetermina ang kanyang “criminal liability” at malinaw umano na ginawa ang Senate investigation para sa “in aid of demolition” at hindi “legislation”.
Binigyang-diin pa ng kampo ni Binay na patuloy ang Bise Presidente sa kanyang pahayag sa mga accusers na dalhin ang kanilang mga reklamo sa korte.
Sa korte, iginiit ni Binay na ang mga “false witnesses” ayhindi pinapayagan na magbigay ng testimonya at ang sinungaling ay naparurusahan at hindi binibigyan ng reward. Maging ang mga haka-haka o hearsay ay hindi umano tinatanggap ng korte.