MANILA, Philippines – Isang miyembro ng carnapping syndicate ang nasawi nang ito ay kumasa sa mga operatiba ng pulisya sa isang checkpoint sa Brgy. Camias, San Miguel, Bulacan kahapon.
Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout bandang alas-11:45 ng tanghali sa nasabing lugar ay nakatanggap ng flash alarm ang San Miguel Police hinggil sa kinarnap na behikulong Fortuner (NIM-778) sa Cabanatuan City, Nueva Ecija na huling namataang tumatahak patungo sa direksyon ng San Miguel sa kanugnog na lalawigan ng Bulacan.
Naglatag ng checkpoint ang San Miguel Police sa pamumuno ng hepe nitong si Supt. Joel Estaris sa nasabing lugar at ilang saglit ay naispatan ng mga pulis ang kinarnap na Toyota Fortuner habang papalapit sa checkpoint, pero nakababa ang apat sa mga ito na mabilis na nagsitakas.
Sa halip na tumigil sa checkpoint ay nagtangka pang tumakas ang suspek na binangga ang signage dito at isang motorsiklo saka pinaputukan ang mga operatiba na nagbunsod ng ilang minutong shootout na ikinasawi ng suspek.